1 Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon; sapagka't siya'y mabuti:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
2 Oh mangagpasalamat kayo sa Dios ng mga dios:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
3 Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon ng mga panginoon:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
4 Sa kaniya na gumagawang magisa ng mga dakilang kababalaghan:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
5 Sa kaniya na gumawa ng mga langit sa pamamagitan ng unawa:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
6 Sa kaniya na naglalatag ng lupa sa ibabaw ng tubig:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
7 Sa kaniya na gumawa ng mga dakilang tanglaw;
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
8 Ng araw upang magpuno sa araw:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
9 Ng buwan at mga bituin upang magpuno sa gabi:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
10 Sa kaniya na sumakit sa Egipto sa kanilang mga panganay:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
11 At kinuha ang Israel sa kanila: Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
12 Sa pamamagitan ng malakas na kamay, at ng unat na bisig:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
13 Sa kaniya na humawi ng Dagat na Mapula:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
14 At nagparaan sa Israel sa gitna niyaon:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
15 Nguni't tinabunan si Faraon at ang kaniyang hukbo sa Dagat na Mapula:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
16 Sa kaniya na pumatnubay ng kaniyang bayan sa ilang:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
17 Sa kaniya na sumakit sa mga dakilang hari:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
18 At pumatay sa mga bantog na hari:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
19 Kay Sehon na hari ng mga Amorrheo;
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
20 At kay Og na hari sa Basan:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
21 At ibinigay ang kanilang lupain na pinakamana.
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
22 Sa makatuwid baga'y pinakamana sa Israel na kaniyang lingkod:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
23 Na siyang umalaala sa atin sa ating mababang kalagayan:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
24 At iniligtas tayo sa ating mga kaaway:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
25 Siya'y nagbibigay ng pagkain sa lahat ng kinapal:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
26 Oh mangagpasalamat kayo sa Dios ng langit: