1 Ipinapakita ng kalangitan
ang kaluwalhatian ng Diyos!
Inihahayag ng kalawakan
ang gawa ng kanyang mga kamay.
2 Araw-araw, sinasabi ng kalangitan
ang tungkol dito,
gabi-gabi, ipinaaalam ng kalawakan
ang tungkol sa kanyang kapangyarihan.
3 Kahit walang salita o tinig
na mula sa kanilaʼy naririnig,
4 napapakinggan pa rin sa buong daigdig
ang kanilang salitaʼt tinig.
Doon sa kalangitan,
iginawa ng Diyos ang araw ng tirahan.
5 Tuwing umagaʼy sumisikat ito
katulad ng isang lalaking ikakasal
na masayang lumalabas
ng kanyang tahanan.
O kayaʼy isang manlalarong kampeon
na sabik na sabik sumabak sa takbuhan.
6 Itoʼy sumisikat sa silangan,
at lumulubog sa kanluran;
walang di mahahagip ng init
nitong taglay.
7 Ang kautusan ng Panginoon
ay walang kamalian.
Itoʼy nagbibigay sa atin
ng bagong kalakasan.
Ang mga turo ng Panginoon
ay mapagkakatiwalaan,
at nagbibigay karunungan
sa mga kulang sa kaalaman.
8 Ang mga tuntunin ng Panginoon ay tama
at sa pusoʼy nagbibigay kagalakan.
Ang mga utos ng Panginoon ay malinaw
at nagbibigay-liwanag sa kaisipan.